NAGING BATANG GOBANG DIN AKO

 

Dito ako madalas nakapaminta, habang nakatingin lang sa mga taong dumadaan.
Ito yung nakatambay ka pero nasa loob ka ng bahay.



Maraming taon narin ang lumipas mula nung ako ay umalis sa Bagong Barrio. Ang lugar kung saan ako ipinangak (as in literal, kasi sa bahay lang nanganak ang mama ko noon), lumaki at nagkaisip. Ang lugar na itinuturing noon na MINI TONDO sa Kalookan. Sabi kasi nila, magulo daw doon at madaming bisyo ang nagkalat. Ngunit sa kabila ng lahat ng hindi magandang sinasabi nila sa lugar na iyon ay isang masayang ala ala ng pagkabata ang mayroon ako.


Kuha ng harapan ng bahay at patio

1986 noong ako ay ipinanganak ng Mama ko sa isang kwarto sa lumang bahay namin sa Bagong Barrio, o ang tinatawag nila ngayon na Gobang. Lumaki ako na kasama namin sa isang compound ang aking lola, mga tiyahin at tiyuhin pati narin ang ilan sa aking mga pinsan. Dahil may sariling patio ang bahay, hindi na kami lumalabas ng mga pinsan ko para maglaro. Maaalala ko na pagsapit ng alas-4 ng hapon ay oras na ng paglalaro naming magpipinsan, kanya kanyang labas na ng bahay upang mag merienda, magkwentuhan at maglaro. Kailangan lubusin namin ang oras dahil pagdating ng alas-6 o alas-7 ng gabi ay uwian na dahil oras naman na ng hapunan at may klase kinabukasan.

Tuwing linggo naman, pagsapit ng alas-2 o alas-3 ng hapon ay magtitipon tipon naman ang aking tatay at mga tiyuhin dahil inuman session naman nila yun. Iinom sila hanggang alas-9 o alas-10 ng gabi... Haaayyy napakaraming kwento ang patio na yan, masasaya at malulungkot na istorya...

Eskinita ng Bona Alley (pakiramdam ko noong araw ay malapad itong kalye na ito)


Dahil kaming magpipinsan ay 90s babies, inabutan namin ang mga panahon na madalas ang brown out. Tuwing magbbrown out ay lalabas kaming lahat at magkukwentuhan at magtatakutan sa patio hanggang magkailaw, sabay sabay sisigaw ang lahat ng "Yehey may ilaw na!", at mag uunahan pa kami kung sino mag blow ng kandila..

Sa lugar na iyon ay hindi ka magugutom, dahil kahit anong oras at kahit saang eskinita ay may mabibilhan ka ng pagkain na mura at masarap! Isa sa mga matatag na bilihan ng pagkain doon ay ang canteen ni Pong Chow at bakery ni Abay Ko, isama mo pa ang lugawan ni Rumars. Yan ang mga icon pagdating sa pagkain sa Gobang.

Lumipas nga ang mga taon at kaming magkakamag-anak ay isa isang nilisan ang lugar. Ito ay sa kadahilanan na ang bawat isa sa amin ay lumalaki at bumubuo ng sariling pamilya, hindi na sapat ang bahay para sa aming lahat, Mula noon ay nagka kanyang lipat na nga kami sa iba't ibang lugar hanggang sa nabenta na nga ang lumang bahay..

Ako naman ay patuloy parin na dumadalaw sa lugar paminsan minsan dahil may mga kamag anak parin ako sa side ng aking papa na nandoon parin nakatira. Mas magiging madalang na nga lang ngayon dahil wala na ang lolo at lola ko sa father side.

Hindi ko masisi ang mga nagsasabi na magulo sa Bagong Barrio dahil marami talagang tao dito, pero mas marami parin ang mababait at masayahing tao sa lugar na iyon. Kahit naman nasaang lugar tayo, lugar man yan ng mayayaman o mahirap, squater o subdivision, bahay o opisina, may makakasalamuha tayo na masasamang loob, iba iba nga lang ang estilo nila kung pano tayo wawalanghiyain. Huwag natin husgahan ang isang lugar o ang isang tao kung saan siya lumaki o nakatira, bagkus ay maging mapagobserba at maging maingat nalang tayo kesa manghusga kaagad ng walang basehan. 

Para naman sa mga taong nakakaranas ng diskriminasyon dahil sa kung saan sila nakatira, huwag kayo magalit sa kanila, pinakamagandang gawin ay patunayan ninyo sa kanila na sila ay nagkakamali, wag ninyong hayaan na maging salamin kayo ng masamang imahe ng inyong lugar. 

Ingat at enjoy sa pagtambay! 😁

Comments

THINGS TO DO

Klook.com

Popular posts from this blog

Unseen War: How a Quiet Night Turned into Our Toughest Battle

SIARGAO ISLAND VILLAS - MY TOP CHOICE TO EXPERIENCE TRANQUILITY AND ACTION IN SIARGAO

📍 The Hunt: Discovering Lugaw Pilipinas

PLACES TO EAT

Klook.com